Online Journal 3: Pagsusuri sa Tula ni Amado V. Hernandez

Alyssa Mayo
4 min readOct 27, 2020

--

Ang bayan mo’y inaapi, luluha ka ba o lalaban?

Ang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan ni Amado V. Hernandez ay isang pagsisiwalat ng katotohanan, ang pagsagot sa tanong na “Malaya na ba talaga tayo?”

Sa unang linya ng tula, makikitang ang persona ay may pag-angkin sa bayan (“Lumuha ka, aking Bayan”). Ang tula ay ang paghahayag niya ng mga nangyari o nangyayari sa bayan, tila sinasabing “Imulat mo ang iyong mga mata, ito ang tunay na nangyayari.” Maaaring ang persona ay isang mamamayang pagod nang magpaalipin, pagod nang manahimik. Walang linyang direktang nagsasaad ng kanyang layunin o ng kanyang pagkatao ngunit, sa bawat linya ay bitbit niya ang mga hinanaing ng bayan na hindi karaniwang pinag-uusapan.

Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila

Sa mga linyang ito, mahihinuha nating ang lahat ng problemang inilalahad ng persona ay iniuugat niya sa mga pangyayari sa petsang iyon. Ito ay ang simula ng kolonisasyon ng mga Amerikano pagkatapos manalo laban sa mga Espanyol (The Kahimyang Project, 2011).

Dagdag pa rito, direkta niyang iniugnay ang kahirapan na dinaranas ng bayan sa mga dayuhan sa saknong na ito:

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Napansin ko rin na ang bawat linya ay may sariling kahulugan, may inilalatag na pahayag o fact. Halimbawa:

Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Bawat linya ay kayang tumayo mag-isa bilang paglalatag ng realidad: ang bayan ay naghihirap at walang gustong lumaban kahit harap-harapan nang ninanakawan o inaabuso ng mga dayuhan.

Kapansin-pansin din ang perfect rhyme ng bawat saknong. Ang dulo ng bawat linya sa isang saknong ay iisa ang tunog. Halimbawa:

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha (A)
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa: (A)
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila, (A)
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika, (A)
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya, (A)
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila, (A)

Ang perfect rhyme scheme ay maoobserbahan sa buong tula. Magkakatugma ang bawat linya sa isang saknong. Sa sumunod naman na saknong, nangibabaw ang tunog na “ang” o “an” bilang end-rhyme ng bawat linya.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang, (B)
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan; (B)
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang, (B)
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan; (B)
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban, (B)
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan! (B)

Habang binabasa ko ang tula, nakatulong ang rhyme scheme na ito pati na rin ang istriktong sukat na 16 syllables sa bawat linya upang bigyan ng bigat ang bawat linya. Sa pagbigkas ko ng bawat linya ay nararamdaman ko ang pagkabalisa ng persona. Nakatulong din ang dami ng mga bantas sa pagbibigay ng pakiramdam ng gigil at galit. Pero sa ilang linyang ginamitan niya ng enjambent tulad nito:

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:

May sense ng pagdidiin sa sumunod na linya. Dulot nito, sa bawat linyang sumunod ay nabubuo rin ang galit sa aking dibdib. Tunay ngang hindi pa rin tayo malaya dahil kaliwa’t kanan pa rin ang senyales ng kolonyalismo, lalo na ng mga Amerikano. Kitang kita ito sa patuloy na pagpayag ng gobyernong isagawa ang Balikatan Exercises taun-taon, sa education system natin na ang pangunahing layunin ay gawing ready-for-export ang mga estudyante nito, sa pagkabaon ng ating bansa sa utang sa mga dayuhan, at lalo na sa pagiging papet ng imperyalistang US ng gobyerno.

Nakaka-hopeless dahil ilang daang taon na ang nakalilipas pero wala pa rin tayong tunay na kalayaang nakakamit. Nakakalungkot na ilang taon na ang nakalipas mula nang naisulat ang tulang ito pero pareho pa rin ang problemang kinakaharap natin. Ngunit, ang mensahe ni Hernandez ay malinaw: may pag-asa tayong makabangon at makalaya dahil ang pighati ay ‘di kailanman matatapos sa pighati lamang. Darating ang araw na ang kalungkutan ay mapapalitan ng poot at matututo tayong lumaban. Darating ang araw na ang kalayaan ay makakamit bunga ng daang taong paghihirap at pagnanais na makawala. Makakamit ito kung patuloy ang pagkilala sa pang-aabuso at nang-aabuso. Makakamit ito kung hahayaan nating mamuo ang apoy ng galit sa diwa ng bawat isa.

Ang pang-aapi ay mawawakasan at sa pagluha ng bayan ito magsisimula.

May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Sanggunian:

The Kahimyang Project. (2011). The Battle of Manila occurred August 13, 1898. Retrieved from https://kahimyang.com/kauswagan/articles/483/today-in-philippine-history-august-13-1898-the-battle-of-manila-occurred

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response